Jeremias 30:11-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”

12-13. Sinabi pa ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Talagang malubha na ang inyong mga sugat at hindi na ito gagaling. Wala nang makakatulong o makakagamot sa inyo. Wala na ring gamot para sa inyo.

14. Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang kasalanan ninyo.

15. Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.

16. “Pero ipapahamak ko rin ang lahat ng magpapahamak sa inyo, at ang lahat ng kaaway nʼyo ay bibihagin. Sasalakayin din ang lahat ng sumalakay at sumamsam ng mga ari-arian nʼyo, at sasamsamin din ang mga ari-arian nila.

17. Ngunit gagamutin at pagagalingin ko ang mga sugat nʼyo kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem ay itinakwil at pinabayaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

18. Sinabi pa ng Panginoon, “Muli kong ibabalik ang kayamanan ng mga lungsod ng lahi ni Jacob at kahahabagan ko sila. Ang lungsod at ang palasyo na winasak ay muling itatayo sa dating kinatatayuan nito.

19. Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat at sisigaw sa kagalakan. Pararamihin at pararangalan ko sila.

20. Magiging maunlad ang kanilang mga anak katulad noong una. Patatatagin ko sila sa harap ko, at paparusahan ko ang sinumang mang-aapi sa kanila.

Jeremias 30