Jeremias 29:6-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila para dumami kayo nang dumami.

7. Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin nʼyo ito dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.”

8. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila.

9. Sapagkat nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo.

10. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo.

11. Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan.

12. Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo.

13. Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo.

14. Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag. Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.

15. “Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia,

16. pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo:

17. Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain.

18. Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao.

Jeremias 29