Jeremias 29:22-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, ‘Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedekia at Ahab na sinunog ng hari ng Babilonia.’

23. Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

24-25. Ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Shemaya na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Shemaya, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo,

26. ‘Hinirang ka ng Panginoon na papalit kay Jehoyada bilang tagapamahala ng templo. Katungkulan mo ang pagdakip at paglalagay ng kadena sa leeg ng sinumang hangal na nagsasabing propeta siya.

27. Bakit hindi mo pinigilan si Jeremias na taga-Anatot na nagsasabing propeta siya riyan sa inyo?

28. Sumulat pa siya rito sa amin sa Babilonia na kami raw ay magtatagal pa rito. Kaya ayon sa kanya, magtayo raw kami ng mga bahay at dito na kami manirahan, magtanim at kumain ng ani namin.’ ”

29. Nang matanggap ni Zefanias ang sulat ni Shemaya, binasa niya ito kay Propeta Jeremias.

30. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Jeremias,

31. “Ipadala mo ang mensaheng ito sa lahat ng bihag. Sabihin mo sa kanilang ito ang sinabi ko tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam: Hindi ko sinugo si Shemaya para magsalita sa inyo. Pinapaniwala niya kayo sa kasinungalingan niya.

32. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing parurusahan ko siya pati ang mga angkan niya. Wala ni isa man sa mga angkan niya ang makakakita ng mga mabubuting bagay na gagawin ko sa inyo, dahil tinuruan niya kayong magrebelde sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Jeremias 29