Jeremias 28:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya,

2. “Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia.

3. Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia.

4. Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

5. Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hanania roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon.

6. Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia.

7. Pero pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito.

8. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian.

9. Pero ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”

10. Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali.

Jeremias 28