Jeremias 27:6-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Kaya ngayon, ibibigay ko ang mga bansa nʼyo sa lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.

7. Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kanya, sa anak, at sa apo niya hanggang sa panahong bumagsak ang kaharian ng Babilonia. At ang Babilonia naman ang maglilingkod sa maraming bansa at sa mga makapangyarihang hari.

8. “ ‘Pero kung may bansa o kahariang ayaw maglingkod o magpasakop kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ako ang magpaparusa sa bansa o kahariang iyon sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at sakit hanggang sa maipasakop ko sila kay Nebucadnezar. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

9. Kaya huwag kayong maniniwala sa inyong mga propeta, mga manghuhula, mga nagpapaliwanag tungkol sa mga panaginip, mga mangkukulam o mga espiritistang nagsasabing hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia.

10. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo.

11. Pero ang mga bansang magpapasakop at maglilingkod sa hari ng Babilonia ay mananatili sa sarili nilang bayan. Dito sila maninirahan at bubungkalin nila ang kanilang sariling lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

12. Ito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekia ng Juda. Sinabi ko, “Magpasakop kayo sa hari ng Babilonia. Maglingkod kayo sa kanya at sa mga mamamayan niya at mabubuhay kayo.

13. Sapagkat kung hindi, mamamatay kayo at ang mga mamamayan nʼyo sa digmaan, gutom at sakit gaya ng sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia.

14. Huwag kayong maniwala sa sinasabi ng mga propeta na hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia, dahil kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo.

Jeremias 27