10. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo.
11. Pero ang mga bansang magpapasakop at maglilingkod sa hari ng Babilonia ay mananatili sa sarili nilang bayan. Dito sila maninirahan at bubungkalin nila ang kanilang sariling lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
12. Ito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekia ng Juda. Sinabi ko, “Magpasakop kayo sa hari ng Babilonia. Maglingkod kayo sa kanya at sa mga mamamayan niya at mabubuhay kayo.
13. Sapagkat kung hindi, mamamatay kayo at ang mga mamamayan nʼyo sa digmaan, gutom at sakit gaya ng sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia.
14. Huwag kayong maniwala sa sinasabi ng mga propeta na hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia, dahil kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo.
15. Ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan. Nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Kaya kung maniniwala kayo sa kanila, palalayasin ko kayo at lilipulin pati ang mga propetang iyan.’ ”
16. Pagkatapos, sinabi ko sa mga pari at sa lahat ng tao, “Sinabi ng Panginoon na huwag kayong maniniwala sa mga propetang nagsasabing malapit nang ibalik ang mga kagamitan ng templo mula sa Babilonia. Kasinungalingan iyan.
17. Huwag kayong maniniwala sa kanila; maglingkod kayo sa hari ng Babilonia at nang mabuhay kayo, kinakailangan pa bang mawasak ang lungsod na ito?
18. Kung talagang mga propeta sila at galing sa Panginoon ang sinasabi nila, manalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan na ang mga kagamitang naiwan sa templo, sa palasyo ng hari ng Juda at sa Jerusalem ay huwag nang dalhin sa Babilonia.
19. Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan na ang mga tansong haligi ng templo, ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, mga karwahe, at ang iba pang mga kagamitan sa lungsod na ito ay dadalhin sa Babilonia.
20. Ang mga nasabing kagamitan ay hindi dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia noong binihag niya si Haring Jehoyakin na anak ni Haring Jehoyakim ng Juda, kasama ng mga tagapamahala ng Juda at Jerusalem.