4. Sabihin mo sa kanila ang mensaheng ito para sa kanilang mga hari: Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,
5. ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko nilikha ko ang mundo, ang mga tao at mga hayop, at nasa sa akin kung sino ang gusto kong gawing tagapamahala nito.
6. Kaya ngayon, ibibigay ko ang mga bansa nʼyo sa lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.
7. Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kanya, sa anak, at sa apo niya hanggang sa panahong bumagsak ang kaharian ng Babilonia. At ang Babilonia naman ang maglilingkod sa maraming bansa at sa mga makapangyarihang hari.
8. “ ‘Pero kung may bansa o kahariang ayaw maglingkod o magpasakop kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ako ang magpaparusa sa bansa o kahariang iyon sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at sakit hanggang sa maipasakop ko sila kay Nebucadnezar. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9. Kaya huwag kayong maniniwala sa inyong mga propeta, mga manghuhula, mga nagpapaliwanag tungkol sa mga panaginip, mga mangkukulam o mga espiritistang nagsasabing hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia.
10. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo.