Jeremias 26:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi kong ito, ‘Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo,

5. at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo,

6. gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Shilo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”

7. Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias.

8. Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay!

9. Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Shilo, at ang lungsod na itoʼy magiging mapanglaw at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa templo ng Panginoon.

10. Nang marinig ito ng mga pinuno ng Juda, pumunta sila sa templo. Umupo sila sa dinadaanan sa Bagong Pintuan ng templo para humatol.

11. Sinabi ng mga pari at mga propeta sa mga pinuno at sa lahat ng naroroon, “Dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsalita siya laban sa lungsod na ito. Narinig mismo ninyo ang kanyang sinabi.”

Jeremias 26