1-2. Noong pasimula ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Tumayo ka sa bulwagan ng templo ko at magsalita ka sa mga mamamayan ng mga bayan ng Juda na naroon para sumamba. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko at huwag mong babawasan.
3. Baka sakaling makinig sila sa iyo at tumalikod sa masama nilang pag-uugali. Kapag ginawa nila ito, hindi ko na itutuloy ang kaparusahang pinaplano ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila.
4. Sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi kong ito, ‘Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo,
5. at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo,
6. gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Shilo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”
7. Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias.
8. Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay!
9. Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Shilo, at ang lungsod na itoʼy magiging mapanglaw at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa templo ng Panginoon.
10. Nang marinig ito ng mga pinuno ng Juda, pumunta sila sa templo. Umupo sila sa dinadaanan sa Bagong Pintuan ng templo para humatol.
11. Sinabi ng mga pari at mga propeta sa mga pinuno at sa lahat ng naroroon, “Dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsalita siya laban sa lungsod na ito. Narinig mismo ninyo ang kanyang sinabi.”
12. Sinabi naman ni Jeremias sa lahat ng pinuno at sa lahat ng tao na naroroon, “Isinugo ako ng Panginoon para magsalita ng laban sa templo at sa lungsod na ito katulad ng narinig ninyo.
13. Kaya baguhin nʼyo na ang inyong pag-uugali at pamumuhay, at sumunod na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Sapagkat kung ito ang gagawin nʼyo, hindi na itutuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa inyo.