16. Sinabi ng mga pinuno, at ng mga tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsasalita siya sa atin sa pangalan ng Panginoon na ating Dios.”
17. Pagkatapos, may ilang mga tagapamahala na tumayo sa harap at nagsalita sa mga taong nagtitipon doon,
18. “Noong si Hezekia ang hari ng Juda, nagsalita si Micas na taga-Moreshet tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon sa lahat ng taga-Juda. Sinabi niya, ‘Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan na wawasakin niya ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Itoʼy matutulad sa inararong bukirin, tambakan ng mga nagibang gusali at magiging kagubatan ang bundok na tinatayuan ng templo.’
19. Pinatay ba siya ni Hezekia o ng sinumang nasa Juda? Hindi! Sa halip, natakot si Hezekia sa Panginoon at lumapit siya sa kanya. Kaya hindi itinuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa kanila. Kaya kung papatayin nʼyo si Jeremias, kayo na rin ang magdadala ng kaparusahan sa sarili ninyo.”
20. Nang panahon ding iyon, may isa pang nagsalita tungkol sa ipinapasabi ng Panginoon. Siyaʼy si Uria na anak ni Shemaya na taga-Kiriat Jearim. Nagsalita rin siya laban sa lungsod at sa bansang ito katulad ng sinabi ni Jeremias.
21. Nang marinig ni Haring Jehoyakim at ng lahat ng pinuno at tagapamahala niya ang sinabi ni Uria, pinagsikapan nilang patayin ito. Pero nalaman ito ni Uria, kaya tumakas siya papuntang Egipto dahil sa takot.
22. Ngunit inutusan ni Haring Jehoyakim si Elnatan na anak ni Acbor at ang iba pang mga tao na pumunta sa Egipto.
23. Kinuha nila si Uria roon sa Egipto at dinala kay Haring Jehoyakim, at ipinapatay nila ito sa pamamagitan ng espada, at ipinatapon ang bangkay niya sa libingan para sa mga pangkaraniwang tao.
24. Pero si Jeremias ay tinulungan ni Ahikam na anak ni Shafan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.