13. Kaya baguhin nʼyo na ang inyong pag-uugali at pamumuhay, at sumunod na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Sapagkat kung ito ang gagawin nʼyo, hindi na itutuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa inyo.
14. At tungkol naman sa akin, wala akong magagawa. Gawin nʼyo sa akin kung ano ang mabuti at matuwid para sa inyo.
15. Pero tandaan ninyo ito: kung papatayin ninyo ako, mananagot kayo at ang mga mamamayan sa lungsod na ito dahil sa pagpatay nʼyo sa taong walang kasalanan. Sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon para sabihin sa inyo ang lahat ng narinig nʼyo ngayon.”
16. Sinabi ng mga pinuno, at ng mga tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsasalita siya sa atin sa pangalan ng Panginoon na ating Dios.”
17. Pagkatapos, may ilang mga tagapamahala na tumayo sa harap at nagsalita sa mga taong nagtitipon doon,
18. “Noong si Hezekia ang hari ng Juda, nagsalita si Micas na taga-Moreshet tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon sa lahat ng taga-Juda. Sinabi niya, ‘Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan na wawasakin niya ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Itoʼy matutulad sa inararong bukirin, tambakan ng mga nagibang gusali at magiging kagubatan ang bundok na tinatayuan ng templo.’
19. Pinatay ba siya ni Hezekia o ng sinumang nasa Juda? Hindi! Sa halip, natakot si Hezekia sa Panginoon at lumapit siya sa kanya. Kaya hindi itinuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa kanila. Kaya kung papatayin nʼyo si Jeremias, kayo na rin ang magdadala ng kaparusahan sa sarili ninyo.”
20. Nang panahon ding iyon, may isa pang nagsalita tungkol sa ipinapasabi ng Panginoon. Siyaʼy si Uria na anak ni Shemaya na taga-Kiriat Jearim. Nagsalita rin siya laban sa lungsod at sa bansang ito katulad ng sinabi ni Jeremias.