1. Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.
2. Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem:
3. Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig.
4. At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig.
5. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.
6. Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”
7. Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo.
8. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko,
9. ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon.
10. Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi.
11. Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.
12. “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon.
13. Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito.
14. Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”
15. Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo.
16. Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.”
17. Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo.
18. Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila para mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon.