1-2. Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo.
3. Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.
4. Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
5. Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito.
6. Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.
7. “Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’
8. Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”
9. Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila.
10. Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan, dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kapangyarihan nila. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.
11. Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang mga pari ay kagaya rin ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa templo ko.
12. Kaya magiging madilim at madulas ang daan nila. Matitisod at madadapa sila dahil pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan sa panahon na parurusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13. “Nakita ko na napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang mga mamamayan kong mga Israelita.
14. Pero nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao para gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kasamaan nila. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodom at Gomora.
15. “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa kanilaʼy lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”
16. Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan.
17. Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’