13. “Nakita ko na napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang mga mamamayan kong mga Israelita.
14. Pero nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao para gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kasamaan nila. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodom at Gomora.
15. “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa kanilaʼy lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”
16. Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan.
17. Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’
18. Pero sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ko? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko.
19. Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o buhawi na hahampas sa ulo ng masasamang taong ito.
20. Hindi mawawala ang galit ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang gusto kong gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito.
21. Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila.
22. Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa.
23. Ako ay Dios na nasa lahat ng lugar, at hindi nasa iisang lugar lamang.
24. Walang sinumang makapagtatago sa akin kahit saan mang lihim na lugar na hindi ko nakikita. Hindi nʼyo ba alam na akoʼy nasa langit, nasa lupa at kahit saan? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25. “Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip.
26. Hanggang kailan pa kaya sila magsasalita ng kasinungalingan na mula sa sarili nilang isipan?