Jeremias 22:21-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin.

22. Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.

23. “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.

24. “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko.

25. Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal niya.

26. Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay.

27. At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan.

Jeremias 22