Jeremias 22:19-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.

20. “Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim.

21. Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin.

22. Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.

23. “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.

24. “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko.

25. Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal niya.

26. Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay.

27. At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan.

28. Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi nʼyo alam.”

29. O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon.

30. Sapagkat ito ang sinasabi niya, “Isulat nʼyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa pamumuhay niya.”

Jeremias 22