12. Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.
13. Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo.
14. Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”
15. Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan.
16. Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin.
17. Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
18. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoyakim ng Juda, na anak ni Josia, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya.
19. Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.
20. “Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim.
21. Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin.