1. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito:
2. O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon:
3. Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan.
4. Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo.
5. Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”
6. Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan.
7. Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy.
8. Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’
10-11. Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik.