17. “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo.
18. Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo at Ilog ng Eufrates?
19. Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
20. “Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran.
21. Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas?
22. Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
23. “Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki.
24. Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.
25. “Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’