Jeremias 2:1-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi sa akin ng Panginoon,

2. “Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim.

3. Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

4. Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob.

5. Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan.

6. Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan.

7. Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam.

8. Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala. Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan.

9. Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10. “Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito:

11. May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan.

12. Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13. “Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo.

14. Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway?

15. Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan.

16. Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya.

17. “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo.

18. Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo at Ilog ng Eufrates?

Jeremias 2