Jeremias 18:9-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian,

10. at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.

11. “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’

12. Pero sasagot ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”

13. Kaya ito ang sinabi ng Panginoon, “Tanungin ninyo sa ibang mga bansa kung may narinig na silang ganitong pangyayari? Ang mga mamamayan ng Israel ay nanatili sanang isang birhen, pero kasuklam-suklam ang mga bagay na ginawa nila!

14. Natutunaw ba ang yelo sa mababatong bundok ng Lebanon? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon? Hindi!

15. Pero ang aking mga mamamayan ay nakalimot na sa akin. Nagsusunog sila ng insenso sa walang kwentang mga dios-diosan. Iniwan nila ang tama at dating daan, at doon sila dumaan sa daang hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa.

16. Kaya magiging malungkot ang lupain nila at hahamakin magpakailanman. Ang lahat ng dumadaan ay mapapailing at mangingilabot.

Jeremias 18