Jeremias 17:18-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.

19. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan.

20. At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito.

21. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga.

22. Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo,

23. pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila.

24. Pero kung susunod lang kayo sa akin na hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw

25. ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman.

26. At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negev. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso.

27. Pero kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi nʼyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”

Jeremias 17