1. Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng mga altar ninyo.
2. Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa mga altar nʼyo at sa mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok.
3. Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo, pati ang mga sambahan nʼyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa.
4. Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
5. Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao.
6. Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira.
7. Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin.
8. Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
9. “Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama?
10. Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya.
11. Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”