Jeremias 15:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila!

2. Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ko: ‘Ang mga itinalagang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinalagang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinalagang bihagin.’

3. “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng mamumuksa: Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop.

4. Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manase na anak ni Hezekia sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.

5. “O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang malulungkot para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan?

6. Itinakwil nʼyo ako; palagi nʼyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko na ang mga kamay ko para lipulin kayo. Sawa na akong kahabagan kayo.

7. Parurusahan ko kayo na parang ipa na tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali.

8. Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga kabataan ninyong lalaki. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot.

9. May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

10. Kaawa-awa ako! Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina! Palagi akong kinakalaban sa buong Juda. Wala akong utang kaninuman, at hindi rin ako nagpapautang, pero isinusumpa ako ng lahat.

11. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang totoo, magiging mabuti ang lahat para sa iyo. Makikiusap sa iyo ang mga kaaway mo na ipanalangin mo sila sa panahon ng paghihirap at pagdadalamhati nila.

12. “Kung papaanong walang makakabali ng piraso ng bakal o tanso, wala ring makakatalo sa mga kaaway na galing sa hilaga.

Jeremias 15