Jeremias 14:6-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol at humihingal na parang asong-gubat. Nanlalabo na ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.”

7. Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo.

8. O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin?

9. Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”

10. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”

11. Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito.

12. Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”

13. Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.”

14. Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila.

Jeremias 14