Jeremias 14:13-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.”

14. Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila.

15. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak.

16. At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa sinabi nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.

17. “Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako.

18. Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.”

19. O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem? Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin.

20. O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo.

21. Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain.

22. Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.

Jeremias 14