Jeremias 13:10-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan.

11. Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin. Hinirang ko sila para papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

12. “Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’

13. Sabihin mo sa kanila na ito ang ibig kong sabihin: ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem.

14. Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

15. Makinig kayong mabuti, at huwag kayong magmataas dahil nagsalita ang Panginoon.

16. Parangalan nʼyo ang Panginoon na inyong Dios habang hindi pa niya ipinapadala ang kadiliman, at habang hindi pa kayo nadadapa sa madilim na mga bundok. Ang liwanag na inaasahan ninyoʼy gagawin niyang napakatinding kadiliman.

17. Kung ayaw pa rin ninyong makinig, iiyak ako ng lihim dahil sa pagmamataas ninyo. Iiyak ako ng malakas at dadaloy ang mga luha ko dahil bibihagin ang mga hinirang ng Panginoon.

Jeremias 13