11. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na magpapadala ako sa kanila ng kaparusahan na hindi nila matatakasan. At kahit na humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.
12. Kaya hihingi na lang sila ng tulong sa mga dios-diosang pinaghahandugan nila ng insenso, pero hindi naman sila matutulungan ng mga dios-diosang ito kapag dumating na ang kaparusahan.
13. “Kayong mga taga-Juda, kay dami nʼyong dios-diosan, kasindami ng mga bayan ninyo. At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo nʼyo para pagsunugan ng insenso para sa kasuklam-suklam na dios-diosang si Baal.
14. “Kaya Jeremias, huwag ka nang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag ka nang magmakaawa sa akin para sa kanila dahil hindi ko sila sasagutin kung tatawag sila sa akin sa oras ng paghihirap nila.
15. Gumawa ng maraming kasamaan ang mga mamamayan na minamahal ko. Wala silang karapatang pumunta sa templo ko. Hindi mapipigilan ng mga handog nila ang kaparusahang darating sa kanila. Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”
16. Noong una ay inihambing sila ng Panginoon sa isang malagong puno ng olibo na maraming bunga. Pero sa biglang pagdaan ng naglalagablab na apoy ay mawawasak sila na parang sinunog na mga sanga at hindi na mapapakinabangan pa.
17. Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagtayo sa Juda at Israel, pero ngayon ay iniutos niyang wasakin ang mga ito, dahil masama ang ginagawa nila. Ginalit nila ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga sinusunog na insenso kay Baal.
18. Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin.