Jeremias 10:6-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. O Panginoon, wala po kayong katulad. Makapangyarihan kayo at dakila ang pangalan.

7. Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na igalang kayo. Wala po kayong katulad sa lahat ng matalino na mula sa ibaʼt ibang bansa, o sa lahat ng hari.

8. Silang lahat ay matitigas ang ulo at mga hangal. Wala pong kabuluhan ang mga turo tungkol sa mga dios-diosan nila na gawa sa kahoy.

9. Nagpagawa po sila sa mga panday at mga platero ng mga dios-diosan na binalutan ng pilak mula sa Tarshish at ginto mula sa Ufaz. Pagkatapos, binihisan po nila ang mga ito ng damit na asul at kulay ube na tinahi ng bihasang mananahi.

10. Pero ang Panginoon ang tunay na Dios. Siya ang buhay na Dios at walang hanggang Hari. Kapag nagagalit siya, nayayanig ang daigdig, at walang bansa na makatatagal sa tindi ng galit niya.

11. Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga dios, “Ang inyong mga dios na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”

12. Pero ang Dios ang lumikha ng langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya.

13. Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.

14. Mga hangal at mangmang ang mga sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay.

15. Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito.

16. Pero ang Dios ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya –  Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.

Jeremias 10