Jeremias 10:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon.

2. Sinasabi niya, “Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga bansa na naghahanap ng mga tanda sa kalangitan. Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda kahit na ang mga tao sa ibang bansa ay takot sa mga tandang iyan.

3. Walang kabuluhan ang kaugalian ng mga taong iyon. Pumuputol sila ng puno sa gubat at pinauukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit.

4. Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto, at pinapakuan ng mabuti para hindi matumba.

5. Ang mga dios-diosang itoʼy parang taong panakot ng ibon sa bukid na hindi nakakapagsalita. Kailangan pa itong buhatin dahil hindi ito nakakalakad. Huwag kayong matakot sa mga dios-diosang ito dahil hindi sila makakagawa ng masama at hindi rin makakagawa ng mabuti.”

6. O Panginoon, wala po kayong katulad. Makapangyarihan kayo at dakila ang pangalan.

7. Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na igalang kayo. Wala po kayong katulad sa lahat ng matalino na mula sa ibaʼt ibang bansa, o sa lahat ng hari.

8. Silang lahat ay matitigas ang ulo at mga hangal. Wala pong kabuluhan ang mga turo tungkol sa mga dios-diosan nila na gawa sa kahoy.

9. Nagpagawa po sila sa mga panday at mga platero ng mga dios-diosan na binalutan ng pilak mula sa Tarshish at ginto mula sa Ufaz. Pagkatapos, binihisan po nila ang mga ito ng damit na asul at kulay ube na tinahi ng bihasang mananahi.

Jeremias 10