1. Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin.
2. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon.
3. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.
4. Sinabi sa akin ng Panginoon,
5. “Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”
6. Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.”
7. Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo.
8. Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
9. Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo.
10. Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”
11. Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.”
12. Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.”