Isaias 9:6-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.”

7. Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.

8. Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob.

9. At alam ito ng lahat ng tao sa Israel, pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi,

10. “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”

11. Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin.

12. Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

13. Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila,

14. hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo.

15. Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta.

16. Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan.

17. Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

18. Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang.

Isaias 9