Isaias 8:5-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Sinabi pa ng Panginoon sa akin,

6. “Dahil sa tinanggihan ng mga taong ito ang tubig ng Shiloa na umaagos nang banayad, at natutuwa sila kay Haring Rezin at Haring Peka,

7. ipapasalakay ko sila sa hari ng Asiria at sa mga sundalo nito na parang Ilog ng Eufrates na bumabaha at umaapaw sa kanyang mga pampang.

8. Dadagsa sila sa Juda gaya ng baha na ang tubig ay tumataas hanggang leeg at umaapaw sa buong lupain.”Pero kasama namin ang Dios!

9. Kayong mga bansa, kahit na magsama-sama kayo, magkakawatak-watak pa rin kayo. Makinig kayong mga nasa malayo! Kahit na maghanda pa kayo sa pakikipagdigma, matatalo pa rin kayo.

10. Anuman ang binabalak ninyo laban sa amin ay hindi magtatagumpay, dahil kasama namin ang Dios.

11. Mariin akong binalaan ng Panginoon na huwag kong gagayahin ang pamamaraan ng mga kababayan ko.

12. Sinabi rin niya, “Huwag kayong makikipag-isa sa ibang mga bansa katulad ng ginagawa ng iba. Huwag kayong matatakot sa kinakatakutan nila, at huwag kayong kabahan.

13. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay dapat ninyong kilalaning banal. Ako ang dapat ninyong katakutan.

14. Ako ang magiging kanlungan ninyo. Pero sa mga taga-Israel at taga-Juda, katulad ako ng isang batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila. At para sa mga taga-Jerusalem, para akong isang bitag.

15. Marami sa kanila ang matitisod, madadapa at mapapahamak. Masisilo sila at mahuhuli.”

16. Kayong mga tagasunod ko, ingatan ninyo ang mga aral ko.

17. Magtitiwala ako sa Panginoon kahit na tinalikuran niya ang lahi ni Jacob. Sa kanya ako aasa.

18. Ako at ang mga anak kong ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel mula sa Panginoong Makapangyarihan na nakatira sa Bundok ng Zion.

19. Kapag may mga nagsasabi sa inyong humingi kayo ng mensahe mula sa mga patay sa pamamagitan ng mga mangkukulam at mga espiritistang bumubulong-bulong, huwag ninyong gagawin iyon. Hindi ba dapat sa Dios kayo humingi ng mensahe? Bakit sa mga patay kayo nagtatanong tungkol sa mga buhay?

Isaias 8