10. Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya.
11. Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu?
12. Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman?
13. Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar.
14. Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.” Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo.
15. Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin?
16. Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.
17. Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang.