1. Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo nang malakas na kasinglakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway.
2. Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ko. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol.
3. Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, pero hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpenitensya kami, pero binalewala ninyo.’“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa.
4. Nag-aayuno nga kayo, pero nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin.
5. Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa akin?
6. Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan.
7. Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak.
8. Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.