Isaias 57:10-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11. Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon?

12. Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo.

13. At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa at sasamba sa aking banal na bundok.

14. Sasabihin ko, ayusin ninyo ang daan na dadaanan ng aking mga mamamayan.”

15. Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko.

16. Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko.

17. Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan.

18. Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila.

19. At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

20. Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan.

21. Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.

Isaias 57