Isaias 52:1-8 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita, na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo.

2. Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag.

3-4. Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria.

5. Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan.

6. Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”

7. O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”

8. Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem.

Isaias 52