Isaias 51:1-2-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1-2. Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.

3. “Kaaawaan ko ang Jerusalem na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.

4. “Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa.

5. Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan.

6. Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.

Isaias 51