Isaias 51:16-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”

17. Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan.

18. Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo.

19. Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo.

20. Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.

21. Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak.

22. Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito.

23. Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”

Isaias 51