13. Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo.
14. Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain.
15. Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan.
16. Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”
17. Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan.
18. Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo.
19. Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo.
20. Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.
21. Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak.