Isaias 48:14-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala!

15. Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa.

16. Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito:

17. “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan.

18. Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan.

19. Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”

20. Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.

21. Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig.

22. Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.

Isaias 48