1. “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay.
2. Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.”
3. Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan.
4. Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso.
5. Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito.
6. Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam.
7. Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo.
8. Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo.
9. Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol.