Isaias 46:1-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang mga dios-diosan ng Babilonia na sina Bel at Nebo ay nakahiga habang ikinakarga sa mga karwahe na hinihila ng mga asno. Mabibigat sila, karga ng mga pagod na hayop.

2. Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.

3. Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak.

4. Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas.

5. Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?

6. Ang ibang mga tao ay naglalabas ng kanilang ginto o pilak at inuupahan nila ang platero para iyon ay gawing rebulto at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin.

Isaias 46