Isaias 43:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin.

2. Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo.

3. Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia, at ang Seba bilang kapalit mo.

4. Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita.

5. Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran.

6. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo.

7. Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

8. Sinabi pa ng Panginoon, “Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, pero hindi makakita; may mga tainga, pero hindi makarinig.

9. Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga dios-diosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, ‘Totoo nga.’

10. Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin.

11. Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas.

Isaias 43