Isaias 42:9-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Ang mga propesiya koʼy natupad at sasabihin ko ngayon ang mga bagong bagay bago pa ito mangyari.”

10. Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar.

11. Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Humiyaw kayo ng pagpupuri sa tuktok ng mga bundok.

12. Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga nasa malalayong lugar.

13. Sasalakay ang Panginoon na parang isang sundalo na handang-handa nang makipaglaban. Sisigaw siya bilang hudyat ng pagsalakay; at magtatagumpay siya laban sa kanyang mga kaaway.

14. Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak.

15. Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig.

16. Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag sa katotohanan, sa daan na hindi pa nila nadadaanan. Liliwanagan ko ang dinaraanan nilang madilim at papantayin ko ang mga baku-bako sa landas na kanilang dinadaanan. Gagawin ko ito at hindi ko sila pababayaan.

17. Pero ang mga nagtitiwala sa mga dios-diosan, at ang mga itinuturing na dios ang kanilang mga rebulto ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.”

18. Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin!

19. Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, pero walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan.

20. Marami na kayong nakikita pero hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo pero ayaw ninyong makinig!”

21. Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.

22. Pero ngayon, ang kanyang mga mamamayan ay ninakawan, sinamsaman ng ari-arian, inihulog sa hukay o ipinasok sa bilangguan, at walang sinumang tumulong sa kanila.

23. Mayroon ba sa inyong gustong makinig o magbigay halaga mula ngayon sa inyong narinig?

24. Sino ang nagbigay ng pahintulot na nakawan at samsaman ng ari-arian ang Israel? Hindi baʼt ang Panginoon, na siyang pinagkasalaan natin? Sapagkat hindi natin sinunod ang mga pamamaraan niya at mga kautusan.

25. Kung kaya, ipinadama ng Panginoon ang matindi niyang galit sa atin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa atin sa digmaan. Ang galit niyaʼy parang apoy na nakapalibot at sumusunog sa atin, pero hindi natin ito pinansin o inisip man lamang.

Isaias 42