5. Ito ang sinabi ng Dios, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo.
6. Sinabi niya sa kanyang lingkod, “Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo para ipakita na akoʼy matuwid. Tutulungan at iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa,
7. para imulat ang mga mata ng mga bulag, at magpalaya sa mga binihag na ikinulong sa madilim na bilangguan.
8. Ako ang Panginoon! Iyan ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay kaninuman o sa mga dios-diosan ang aking karangalan at mga papuri na para sa akin.
9. Ang mga propesiya koʼy natupad at sasabihin ko ngayon ang mga bagong bagay bago pa ito mangyari.”
10. Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar.
11. Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Humiyaw kayo ng pagpupuri sa tuktok ng mga bundok.
12. Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga nasa malalayong lugar.
13. Sasalakay ang Panginoon na parang isang sundalo na handang-handa nang makipaglaban. Sisigaw siya bilang hudyat ng pagsalakay; at magtatagumpay siya laban sa kanyang mga kaaway.
14. Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak.
15. Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig.