15. Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa.
16. Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.
17. “Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18. Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal.
19. Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,
20. para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.”
21. Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel, sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran!
22-23. Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo.
24. Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin.
25. Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik na gagawin niyang palayok.
26. Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi.
27. Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila.
28. Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko.
29. Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”