Isaias 41:13-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita.

14. Kahit na maliit ka at mahina, huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Ako ang iyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel.

15. Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa.

16. Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.

17. “Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

18. Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal.

19. Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,

20. para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.”

Isaias 41