7. Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon.
8. Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
9. Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios.
10. Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan.
11. Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
12. Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang mga palad, o makakasukat ng langit sa pamamagitan ng pagdangkal nito? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang lalagyan, o makakapagtimbang ng mga bundok at mga burol?
13. Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin?
14. Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala!
15. Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok.
16. Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog.
17. Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa.
18. Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad?