7. Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan.
8. Wala nang dumadaan o lumalakad sa mga lansangan. Nilalabag na ang kasunduan at hindi na pinahahalagahan ang mga saksi nito. Wala nang taong iginagalang.
9. Kawawa ang lupain ng Israel. Nalalanta ang mga puno ng Lebanon, at napapahiya. Naging ilang ang kapatagan ng Sharon. Nalalaglag ang mga dahon ng mga puno sa Bashan at sa Carmel.
10. Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao.
11. Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit ang tutupok sa inyo.
12. Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog.
13. Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”
14. Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?”
15. Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain.
16. Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.
17. Mga Israelita, makikita ninyo ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian.